Sabado, Pebrero 13, 2010

_


Hindi Para sa Iyo ang Tulang Ito

sapagkat hindi
mo alam kung sino ka
sa akin - hindi ka akin.

Para ito sa isang sulok
ng aking isipan, pagod
kapapangarap na sana
alam mo.

Para ito sa mga panaginip
kung saan mainit ang iyong palad
sa aking palad. Walang bumibitiw.
Hindi natin alintana ang panganib
na dala ng pagiging matalik. Paggising,
ako ang nangungulila.

Para ito sa mga pagkakataong
dinadalaw ako ng tapang:
lalapit ako sa iyo, handa ang mga bisig
na ika'y hablutin, angkinin.
Ngunit titiklop uli.
Paano maangkin ang hindi
napasaakin?

Para ito sa mga pangungusap
na nababara sa aking lalamunan
tuwing nagkakatagpo
nang hindi sinasadya
ang dulo ng ating mga daliri:
ako ito, narito ako,
tulong hindi ako makahinga.

Hindi ito para sa iyo
o para sa akin. Para ito sa kawalan
ng tayo at natin.

Hindi ako mag-aalay
ng tula sa iyo, kailanman.
Ako ay sapat na.
Iyong-iyo,
kailanman.


(Pebrero 12, 2010)

_

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento

 

Copyright 2010 bugtong-hininga.

Theme by WordpressCenter.com.
Blogger Template by Beta Templates.