Lunes, Marso 8, 2010

_



Ang Mandaragat

Dating mandaragat ang aking lolo.

Noon, taas-noo
niyang ilalarawan
ang mga dagat ng mundo.
"Ang dagat ay hindi lamang
tubig-alat," ipaliliwanag niya.
Dahil kung ang dagat ay tubig-alat
lamang, marami noon sa daungan
ng Lingayen, sa Pangasinan -
kung saan siya natutong magsaka
kasama ang ama.
Labing-apat na taon
din siyang nagpabalik-balik
sa mga pier ng Hapon, Rusya,
Inglatera, Aprika,
Saudi, at UAE.
Nagpabalik-balik din siya
sa kaniyang bahay sa Sta. Mesa - uuwian
ng pasalubong ang paslit ko pang ina.

Isang taong gulang ako
noong tumigil siya sa paglalayag.
Nanatili siyang malayo
kahit na lupa lamang ang tatawirin.
Labing-walong taon ako noong
nanawa siya sa pag-iisa, sa amin
na siya nakatira.

Marami siyang kuwento
tungkol sa dagat ngunit
walang naiiwan
sa bahay upang siya'y pakinggan.

Marami siyang kuwento
tungkol sa dagat ngunit
dila niya'y umuurong:
nabubulol sa alon ng mga salita.

Ngayon, gamit ang tungkod,
sinasagwan niya ang mga pasilyo
ng bahay na ito.




Ang Modista

Ang sabi ni mama,
magaling ka
raw sa pananahi.
Pinanood ka niya
habang binubuo
ang kaniyang bestida.
Sakto ang hugis ng mga padron
sa payat niyang katawan.
Makukulay na aspile ang
iyong gabay sa pagtabas ng tela.
Dinilaan mo ang dulo ng sinulid
upang mailusot ito sa butas
ng karayom. Ikaw lamang
ang nakaaalam
sa disenyo ng baro,
sa mga nagkasala-salabid
na mapa ng mga sinulid sa tela.

Sayang,
lumisan ka
nang hindi binubuhol
ang huli mong sulsi.
Hindi modista ang aking ina.



_

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento

 

Copyright 2010 bugtong-hininga.

Theme by WordpressCenter.com.
Blogger Template by Beta Templates.